Diskurso PH
Translate the website into your language:

Trillanes, iginiit na si Bong Go ang ‘mastermind’ ng ilang infrastructure projects ng pamahalaan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-22 22:59:06 Trillanes, iginiit na si Bong Go ang ‘mastermind’ ng ilang infrastructure projects ng pamahalaan

MANILA — Iginiit ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na si Senador Bong Go umano ang “mastermind” sa umano’y korapsiyon sa ilang infrastructure projects ng pamahalaan, na nagsimula pa raw sa Davao City noong 2007 at lalo pang lumala sa panahon ng administrasyong Duterte.

“Siya na nga ‘yung tinutugis ko kasi siya ‘yung mastermind, eh,” pahayag ni Trillanes bilang tugon sa sinabi ni Go na ang dapat kasuhan ay ang “totoong mga corrupt.”

Ang pahayag ay kasunod ng pagsasampa ni Trillanes ng plunder case laban kina Go, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at mga kaanak ni Go sa Office of the Ombudsman noong Martes, Oktubre 21.

Ayon kay Trillanes, si Undersecretary Roberto Bernardo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay itinalaga umano ni Go at siya ang nagsilbing “central figure” ng umano’y sindikato sa proyekto.
“Si Bong Go ang naglagay niyan dyan,” giit ng dating senador sa isang panayam sa ONE News.

Dagdag pa ni Trillanes, sinabi umano ni Pasig City Mayor Vico Sotto na lumago ang construction business ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya dahil sa ugnayan nila kay Go. Ayon kay Trillanes, batay sa pahayag ni Mrs. Discaya, taong 2016 nang magsimula silang tumanggap ng flood control contracts sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Samantala, una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tumanggi nang makipagtulungan ang mag-asawang Discaya sa imbestigasyon ng Ombudsman tungkol sa flood control projects. Dagdag pa niya, tila may mga “pinoprotektahan” umanong personalidad ang mag-asawa—at kabilang dito si Senador Go.

Matatandaang inamin ni Sarah Discaya na noong 2017, nagkaroon ng joint venture ang isa sa kanilang kumpanya, ang St. Gerrard Construction, sa CLTG Builders na pag-aari ni Deciderio Go, ama ng senador. (Larawan: Antonio Trillanes / Facebook)