Suspek sa panghoholdap sa LPU student, arestado na!
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-22 22:28:01
MANILA — Case closed! Arestado na ngayong araw (Oktubre 22) ng Manila Police District (MPD) ang suspek sa panghoholdap sa isang 20-anyos na estudyante ng Lyceum of the Philippines University (LPU) sa Lawton Underpass noong Oktubre 13, 2025.
Kinilala ang suspek bilang si Bryan Campillos, alyas “Tanda Bakla,” 34 anyos. Siya ang itinuturong responsable sa pagholdap sa biktimang si Marl Vincent Mendoza, na nag-viral sa social media matapos ipakalat ng mga netizen ang video ng insidente.
Ayon sa ulat, matapos mag-viral ang video, agad na ipinag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagtugis sa suspek. Sa mabilis na aksyon ng MPD, sa pangunguna ni Gen. Arnold Thomas Ibay Abad, natunton at naaresto si Campillos makalipas lamang ang ilang araw.
Sa pahayag ni Mayor Isko, tiniyak niyang mananatiling ligtas ang lungsod at mananagot ang mga lumalabag sa batas.
“Pumanatag kayo, taga-Maynila man o hindi — we will try and do our best, through the leadership of Gen. Abad and the uniformed men and women personnel of the City of Manila under the Manila Police District and Philippine National Police. We will do our best. The peace and order situation here in Manila is in the right order,”
Samantala, pinasalamatan ng pamilya ng biktima ang lokal na pamahalaan at MPD sa mabilis na aksyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek, na ngayon ay nahaharap sa kasong robbery with intimidation. (Larawan: Manila Public Information Office / Facebook)