Diskurso PH
Translate the website into your language:

MDRRMO, nagpapatupad ng regular monitoring sa landslide area sa Barangay Labangon Tabogon, Cebu

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-22 22:49:30 MDRRMO, nagpapatupad ng regular monitoring sa landslide area sa Barangay Labangon Tabogon, Cebu

CEBU Patuloy na binabantayan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang sitwasyon sa Barangay Labangon, Tabogon, matapos ang pagguho ng lupa na naitala noong Setyembre 30 bunsod ng 6.9 magnitude na lindol.

Ayon sa ulat ng MDRRMO, bumagsak ang malaking bahagi ng lupa mula sa kabundukan na tinatayang 100 metro ang taas, at tumabon sa isang bahagi ng Ginbaliwan River. Sa kabutihang palad, walang residente sa paligid ng apektadong lugar at tuloy-tuloy pa rin ang agos ng tubig sa sapa.

Gayunman, pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang publiko na iwasan ang paglapit sa lugar dahil sa patuloy na aftershocks at posibilidad ng karagdagang pagguho.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng regular na inspeksyon at monitoring ang LGU Tabogon, katuwang ang MDRRMO at Barangay Labangon officials, upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at maiwasan ang posibleng mas malalang pinsala.

Ang patuloy na pagbabantay ay bahagi ng mas pinaigting na hakbang ng lokal na pamahalaan upang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa mga panganib na dulot ng lindol at landslide sa rehiyon. (Larawan: Municipal Government of Tabogon, Cebu / Facebook)