Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: ‘Kadiwa ng Pangulo’ pop-up store, idinaos sa San Pedro City

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-22 22:21:08 Tingnan: ‘Kadiwa ng Pangulo’ pop-up store, idinaos sa San Pedro City

SAN PEDRO CITY — Bilang bahagi ng inisyatiba ng pambansang pamahalaan na maihatid ang mga pangunahing bilihin nang mas malapit at mas abot-kaya sa mga mamamayan, matagumpay na idinaos ang Kadiwa ng Pangulo Pop-up Store sa San Pedro City Post Office ngayong Miyerkules ng umaga, Oktubre 22, 2025.

Layunin ng programa na tulungan ang mga mamimili at lokal na prodyuser sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktang pamilihan para sa mga produktong agrikultural at mga pangunahing pangangailangan.

Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, dumagsa ang mga residente upang mamili ng preskong gulay, bigas, manok, at iba pang pang-araw-araw na bilihin sa mas murang halaga kumpara sa karaniwang presyo sa pamilihan. Ayon sa mga mamimili, malaking tulong ang naturang aktibidad lalo na sa panahon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Samantala, pinuri rin ng mga lokal na magsasaka at vendor ang programa dahil nagbibigay ito ng pagkakataon na maibenta nang direkta sa publiko ang kanilang mga produkto nang walang dagdag na patong sa presyo.

Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng San Pedro ang mga residente na suportahan ang ganitong mga inisyatiba upang makatulong sa mga lokal na negosyante at magsasaka. Inaasahan ding magkakaroon pa ng mga susunod na iskedyul ng Kadiwa ng Pangulo at ng San Pedro Weekend Market sa mga darating na linggo. (Larawan: City Government of San Pedro / Facebook)