Aksidente ng pampasaherong bus sa Davao Oriental, nagdulot ng trapiko
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-22 21:51:44
DAVAO — Nagdulot ng pansamantalang pagsikip ng trapiko ang isang aksidente sa Barangay Iba, San Isidro, Davao Oriental, ngayong Miyerkules, Oktubre 22, matapos mahulog sa gilid ng kalsada ang isang pampasaherong bus na biyaheng Mati patungong Davao City.
Ayon sa ulat ng San Isidro Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nawalan umano ng kontrol ang driver sa bus habang binabagtas ang isang madulas at pababang bahagi ng kalsada, dahilan upang tuluyang sumadsad ito sa gilid ng daan. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO, pulisya, at mga residente sa lugar upang sagipin ang mga pasahero.
Ilang sakay ng bus ang nagtamo ng mga gasgas at pasa, habang ang iba ay dinala sa isang ospital sa bayan ng Lupon para sa karagdagang gamutan. Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang tunay na sanhi ng aksidente, kabilang na kung may mechanical failure o pagkakamali sa pagmamaneho.
Pansamantala ring isinara sa mga motorista ang bahagi ng kalsadang pinangyarihan ng insidente upang bigyang-daan ang retrieval at clearing operations. Samantala, nanawagan ang mga opisyal ng San Isidro MDRRMO sa lahat ng motorista na magdoble-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga lugar na madulas, pababa, o may matalim na kurbada, upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente sa hinaharap. (Larawan: City of Mati / Facebook)