Dayong babae, timbog sa buy-bust operation sa Pili, Camarines Sur: ₱4.8M na shabu, nakumpiska
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-22 22:38:07
CAMARINES SUR — Nasabat ng mga operatiba ng Pili Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang ₱4.8 milyong halaga ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Anayan, Pili, Camarines Sur nitong Lunes, Oktubre 21, 2025.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, alas-3:55 ng hapon nang ikasa ang operasyon laban sa suspek na kinilalang si “Inday,” 37 anyos, isang housemaid at residente ng Iligan City, Mindanao. Narekober mula sa kanya ang limang (5) pakete ng transparent plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang at halagang umaabot sa ₱4,080,000.
Sa imbestigasyon, matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa kanyang umano’y pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa rehiyon. Lumalabas sa ulat na sinubukan ng suspek na magbenta ng isang pakete ng shabu sa isang operatibang nagpanggap na buyer, dahilan upang agad siyang arestuhin.
Kasunod ng pagkakaaresto, dinala ang mga nakumpiskang ebidensiya sa Camarines Sur Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri. Samantala, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165.
Patuloy naman ang pinaigting na kampanya ng pulisya at PDEA laban sa ilegal na droga sa Bicol Region upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko. (Larawan: Google)