Kakaibang Pagnanakaw: 2 naka-brief, nahuli-cam ng hatinggabi sa pagtangay ng softdrinks sa isang tindahan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-22 22:00:09.jpg)
ILOILO — Nahuli-cam ang dalawang lalaki na tanging brief lamang ang suot habang tinatangay ang apat na case ng softdrinks sa labas ng isang tindahan sa Barangay Bacjawan Sur, Concepcion, Iloilo, ngayong Miyerkules, Oktubre 22.
Ayon sa may-ari ng tindahan, nagulat umano siya nang mapansing nawawala ang ilang case ng softdrinks. Agad niyang sinuri ang kanilang CCTV, kung saan malinaw na nakita ang dalawang lalaking naka-brief at may takip ang mukha habang binubuhat ang mga case pasado alas-12 ng madaling araw.
Dagdag pa ng may-ari, pinaniniwalaang “trip” lamang o katuwaan ang ginawa ng mga suspek dahil hindi pinasok ang mismong tindahan at wala ring ibang gamit na nawala maliban sa softdrinks.
Samantala, iniulat na sa barangay ang insidente para sa karampatang aksyon. Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa mga residente na maging mapagmatyag at siguraduhing nakakandado ang kanilang mga tindahan lalo na sa gabi upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari. (Larawan:The World Tonight / Facebook)