Diskurso PH
Translate the website into your language:

ICI, bubuksan na sa publiko ang imbestigasyon sa mga proyektong flood control

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-22 19:41:35 ICI, bubuksan na sa publiko ang imbestigasyon sa mga proyektong flood control

OKTUBRE 22, 2025 — Simula sa susunod na linggo, ilalantad na sa publiko ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang mga pagdinig nito kaugnay ng mga kontrobersiyal na proyekto ng gobyerno, kabilang ang isyu sa flood control. Ito ang inanunsyo ni ICI Chairman Andres Reyes Jr. sa isang pagdinig ng Senado nitong Miyerkules, Oktubre 22.

“We will now go on livestream next week once we get the technical capabilities with us already,” ani Reyes. 

(Magsisimula na kaming mag-livestream sa susunod na linggo kapag nakuha na namin ang teknikal na kakayahan.)

Matagal nang binabatikos ang ICI dahil sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon sa likod ng mga saradong pinto. Hindi pinapayagan ang media na magsagawa ng ambush interview, at limitado lamang sa press release ang access ng publiko sa mga kaganapan.

Sa parehong pagdinig, tinalakay ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang Senate Bill No. 1215 na layong palawigin ang kapangyarihan ng ICI sa pamamagitan ng paglikha ng Independent People’s Commission (IPC). Pinamunuan ito ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, na matagal nang nananawagan ng mas bukas na proseso.

“Do not test the people’s desire to know the truth. Baka magising ang mga miyembro ng ICI bukas at nagra-rally na ang tao sa harap ng mga bahay ninyo,” babala ni Pangilinan. 

Bagamat una nang tumutol ang ICI sa ideya ng livestream dahil sa pangambang “trial by publicity,” sinabi ng Malacañang na wala itong pakialam sa desisyon ng komisyon.

“‘Yan po ay nasa kamay na ng ICI. Kung ano po ang nais nila para maipakita ang kanilang impartial proceedings ay nasa kanilang desisyon iyan,” ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.

Nauna nang nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Kamara at Senado bago buuin ang ICI noong Setyembre 11. 

(Larawan: Philippine News Agency)