Dizon: Sarah Discaya, Henry Alcantara, Brice Hernandez sa kulangan ang Pasko
Margret Dianne Fermin  Ipinost noong 2025-10-31 08:02:49 
            	MANILA — Inaasahang makukulong bago mag-Pasko ang ilang pangunahing sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects sa Bulacan, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Sa isang pahayag sa sidelines ng technical working group meeting ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), sinabi ni Dizon na kabilang sa mga posibleng makulong ay sina Sarah Discaya, isang pribadong kontratista mula sa St. Timothy Construction Corp.; Henry Alcantara, dating DPWH Bulacan 1st District Engineer; at Brice Hernandez, dating Assistant District Engineer ng parehong distrito.
Ayon kay Dizon, “Sa tingin ko, sa kulungan na sila magpa-Pasko niyan.” Dagdag pa niya, ang mga ito ay bahagi ng kauna-unahang reklamo na isinampa ng kanyang departamento sa Office of the Ombudsman noong Setyembre 11, 2025, kaugnay ng mga iregularidad sa siyam na flood control projects sa Bulacan.
Bukod sa tatlo, isinama rin sa reklamo sina John Michael Ramos (Construction Section chief), Ernesto Galang (Planning and Design Section chief), at 15 iba pang empleyado ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office. Kasama rin sa mga sinampahan ng kaso ang mga kontratista mula sa iba’t ibang kumpanya: Ma. Angeline Rimando (St. Timothy Construction Corp.), Sally Santos (SYMS Construction Trading), Mark Allan Arevalo (Wawao Builders), at Robert Imperio (IM Construction).
Ang mga akusado ay nahaharap sa mga paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 9184 (Government Procurement Reform Act), at malversation of public funds.
Ayon sa ulat ng DPWH, ang mga proyekto ay may kabuuang halaga na daan-daang milyong piso, ngunit may mga indikasyon ng overpricing, ghost deliveries, at collusion sa pagitan ng mga opisyal at kontratista.
Sinabi ni Dizon na ang pagsasampa ng kaso ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng DPWH laban sa korapsyon. “We will not tolerate any form of corruption in our ranks. This is just the beginning,” giit ni Dizon.
Ang Office of the Ombudsman ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon, at inaasahang maglalabas ng resolusyon sa mga susunod na linggo. Kung mapapatunayang may probable cause, maaaring maglabas ng arrest warrants bago matapos ang taon.
Ang hakbang na ito ay tinanggap ng publiko bilang senyales ng seryosong pagtugon ng pamahalaan sa mga katiwalian sa mga proyekto ng imprastruktura, lalo na sa mga lugar na madalas bahain.
