Diskurso PH
Translate the website into your language:

Big time dagdag presyo sa langis, asahan sa unang linggo ng Nobyembre

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-31 08:39:46 Big time dagdag presyo sa langis, asahan sa unang linggo ng Nobyembre

OKTUBRE 31, 2025 — Muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE), kasunod ng sunod-sunod na paggalaw sa pandaigdigang merkado.

Batay sa apat na araw na trading data mula sa Mean of Platts Singapore, tinatayang tataas ng ₱2.15 kada litro ang diesel, ₱1.20 sa gasolina, at ₱1.75 sa kerosene. Hindi pa kasama rito ang karaniwang operational costs ng mga kumpanya ng langis.

Ayon kay Rodela Romero, Assistant Director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, ang inaasahang pagtaas ay dulot ng mas magaan na tensyon sa kalakalan sa pagitan ng Estados Unidos at China, na nagdulot ng pagtaas sa demand ng langis.

“Ibig sabihin, kapag nagkaayos yung dalawang bansa na iyon, malalaki iyon, magbo-boost ang demand for petroleum products kasi gaganda yung economy nila,” ani Romero. 

Dagdag pa niya, nakaapekto rin ang mga ipinataw na parusa ng UK, US, at European Union laban sa Russia, na lalong nagpataas sa presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Kasama rin sa mga factors ang paghina ng piso kontra dolyar, na bumagsak sa ₱59.13 kada dolyar nitong Martes — ang pinakamababang antas sa kasaysayan. Ayon kay Romero, isinama na ito sa kalkulasyon ng inaasahang dagdag-presyo.

Nilinaw ng DOE na wala silang kontrol sa presyo at ang mga pagbabago ay nakabatay lamang sa galaw ng pandaigdigang merkado.

“Just an assurance na ang DOE, patuloy po naming mino-monitor yung development sa international oil market para malaman po natin na whatever yung adjustment sa domestic price is just reflective lang sa nangyayari sa international. Walang pang-aabuso,” ani Romero. 

May posibilidad naman ng rollback sa ikalawang linggo ng Nobyembre kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng produksyon ng OPEC+ countries.

(Larawan: Philippine News Agency)