14.2M Pinoy ‘mahirap’ — SWS: Self-rated poverty umakyat sa 50%
Margret Dianne Fermin  Ipinost noong 2025-10-31 08:02:49 
            	MANILA — Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), kalahati ng mga pamilyang Pilipino o tinatayang 14.2 milyon ang nagsabing sila ay mahirap, mas mataas ng 1 punto mula sa 49% o 13.7 milyon noong Hunyo 2025.
Isinagawa ang Third Quarter 2025 Social Weather Survey noong Setyembre 24–30, 2025. Ayon sa SWS, “The 1-point rise in the nationwide Self-Rated Poverty between June 2025 and September 2025 was due to increases in Metro Manila and Balance Luzon (or Luzon outside Metro Manila), combined with a decline in the Visayas and a steady percentage in Mindanao.”
Pinakamataas ang self-rated poverty sa Mindanao kung saan 69% ng mga pamilya ang nagsabing sila ay mahirap, sinundan ng Visayas (54%), Metro Manila (43%), at Balance Luzon (42%). Sa Metro Manila, tumaas ito ng 7 puntos mula 36% noong Hunyo, habang sa Balance Luzon ay tumaas ng 4 puntos mula 38%. Sa Visayas naman, bumaba ito ng 6 puntos mula 60%.
Bukod sa self-rated poverty, tinukoy din ng survey ang mga “newly poor” — mga pamilyang hindi mahirap isang taon hanggang apat na taon na ang nakalipas — na bumubuo sa 5.7% ng kabuuang populasyon. Samantala, 36% ng mga pamilya ay nagsabing sila ay “always poor”, habang 8.7% ay “usually poor” o hindi mahirap limang taon na ang nakalipas.
Ayon sa political science professor na si Ederson DT. Tapia ng University of Makati, “Many Filipinos feel poorer not only because of rising prices but because their hard work no longer translates into stability. Inflation, debt and job insecurity have eroded purchasing power, turning economic growth into an abstraction rather than a reality.”
Sa parehong survey, 12% ng mga pamilya ang naglagay sa sarili sa “borderline” o nasa gitna ng pagiging mahirap at hindi mahirap, habang 38% ang nagsabing sila ay hindi mahirap.
Ang resulta ng survey ay nagpapakita ng patuloy na hamon sa ekonomiya ng bansa, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin, kawalan ng seguridad sa trabaho, at utang. Patuloy ang panawagan sa pamahalaan na tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan upang mapabuti ang kanilang kalagayan.
