Libu-libong contract workers makatatanggap ng year-end gratuity pay
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-13 09:21:47
MANILA — Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng isang beses na gratuity pay na ₱7,000 para sa mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa pamahalaan, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Batay sa Administrative Order No. 39, na nilagdaan noong Disyembre 11, 2025, sakop ng insentibo ang mga COS at JO employees na nakapagsilbi ng hindi bababa sa apat na buwan hanggang Disyembre 15 at may aktibong kontrata pa sa parehong petsa.
Ayon sa AO, “Granting a year-end Gratuity Pay to COS and JO workers is a well-deserved recognition of their hard work and valuable participation in the implementation of various programs, activities, and projects (PAPs) of the government, and their pivotal role in the delivery of government services amidst the present socio-economic challenges.”
Dagdag pa ng Philippine Information Agency (PIA), ang pondong gagamitin para sa gratuity pay ay magmumula sa respective budgets ng mga ahensya, habang ang Department of Budget and Management (DBM) ang mangunguna sa implementasyon.
Sa kabuuan, libu-libong COS at JO workers sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang makikinabang sa insentibong ito. Kabilang sila sa mga frontliners ng gobyerno na tumutulong sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto, ngunit hindi sakop ng regular na benepisyo ng civil service.
Ang hakbang ay nakikitang malaking tulong ngayong holiday season, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin. Kasabay nito, naglabas din ng hiwalay na kautusan si Marcos na nagbibigay ng ₱20,000 Service Recognition Incentive (SRI) para sa mga regular na empleyado ng pamahalaan.
