Anim na ‘rockfall events’, naitala sa bulkang Mayon; Alert level 1, nananatili
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-15 23:42:51
ALBAY, Philippines — Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang anim na rockfall events sa Bulkang Mayon sa loob ng 24 oras, mula alas-12 ng hatinggabi ng Linggo, Disyembre 14 hanggang alas-12 ng hatinggabi ngayong Lunes, Disyembre 15. Ito ay bahagi ng patuloy na low-level volcanic activity na binabantayan ng ahensya sa isa sa mga pinaka-aktibong bulkan sa bansa.
Ayon sa PHIVOLCS, ang mga rockfall o pagguho ng mga bato ay indikasyon ng patuloy na kahinaan at instability ng itaas na bahagi ng bulkan, bagama’t wala pang senyales ng mas malakas na pagsabog. Dagdag pa ng ahensya, nagbuga rin ang Bulkang Mayon ng tinatayang 307 tonelada ng sulfur dioxide (SO₂) kada araw, batay sa pinakahuling datos na nakolekta noong Disyembre 10, 2025. Ang naturang dami ng gas emission ay nagpapakita na may patuloy na paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan, subalit nananatili pa rin ito sa mababang antas.
Sa kabila ng mga naitalang aktibidad, nilinaw ng PHIVOLCS na nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang ito ay nasa kondisyon ng abnormality ngunit hindi pa nagbabadya ng mapanganib na pagsabog. Gayunpaman, mariing pinaalalahanan ang publiko, lalo na ang mga residente at turista, na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa posibilidad ng biglaang rockfall, lava collapse, at iba pang hazard na maaaring magdulot ng panganib sa buhay.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa banta ng volcanic gas at biglaang pagbuga ng abo o debris. Patuloy ang masusing pagmamanman ng PHIVOLCS sa Bulkang Mayon at tiniyak na agad silang maglalabas ng abiso sakaling magkaroon ng pagbabago sa alert status. Hinikayat ang mga lokal na pamahalaan at komunidad na manatiling alerto at sumunod sa mga opisyal na babala upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. (Larawan: PHIVOLCS - DOST)
