Communist Party of the Philippines, inutusan ang NPA ng pansamantalang tigil-putukan sa pasko at bagong taon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-15 23:00:47
MANILA, Philippines — Nagdeklara ang Communist Party of the Philippines (CPP) ng pansamantalang tigil-putukan sa hanay ng New People’s Army (NPA) kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, ayon sa inilabas na pahayag ng CPP Central Committee.
Batay sa abiso, ang ceasefire ay ipatutupad sa dalawang yugto. Ang unang yugto ay magsisimula alas-12:00 ng hatinggabi ng Disyembre 25 at magtatapos alas-11:59 ng gabi ng Disyembre 26. Ang ikalawang yugto naman ay mula alas-12:00 ng hatinggabi ng Disyembre 31 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Enero 1, 2026. Sa kabuuan, apat na araw ang saklaw ng pansamantalang pagtigil ng opensibang militar ng NPA.
Ayon sa CPP, inilalagay ang lahat ng yunit ng NPA sa tinatawag na “active defense mode” sa panahon ng tigil-putukan. Ibig sabihin, hindi magsasagawa ng opensibang operasyon ang kanilang mga puwersa ngunit mananatiling nakaalerto at handang ipagtanggol ang sarili sakaling magkaroon umano ng pag-atake o operasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ipinaliwanag ng CPP na ang hakbang ay bilang pakikiisa sa sambayanang Pilipino na nagsasagawa ng payak na selebrasyon ng kanilang mga tradisyunal na pista opisyal. Dagdag pa ng grupo, ang deklarasyon ng ceasefire ay kaugnay din ng paggunita sa ika-57 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas.
“This temporary ceasefire order is being issued in solidarity with the Filipino people as they conduct simple celebrations of their traditional holidays… This is also to mark the 57th anniversary of the Party,” ayon sa pahayag ng CPP.
Sa mga nagdaang taon, naging kaugalian na ng CPP-NPA ang magdeklara ng pansamantalang tigil-putukan tuwing may mahahalagang okasyon tulad ng Pasko, Bagong Taon, at anibersaryo ng kanilang organisasyon. Gayunman, nananatiling hindi tiyak kung maglalabas ng katugong deklarasyon ang pamahalaan o ang AFP hinggil sa usaping ito. Patuloy namang hinihikayat ng ilang sektor ang magkabilang panig na gawing tuluy-tuloy ang usapang pangkapayapaan upang tuldukan na ang dekadang armadong tunggalian sa bansa. (Larawan: Wikipedia)
