PH话语
将网站翻译成您的语言:

'Akala ko hindi na pwede, pwede pa pala' 38 anyos, nagtapos ng Magna Cum Laude sa kolehiyo: patunay na hindi hadlang ang edad at responsibilidad

杰拉尔德·埃里卡·塞维里诺Ipinost noong 2025-09-22 08:07:13 'Akala ko hindi na pwede, pwede pa pala' 38 anyos, nagtapos ng Magna Cum Laude sa kolehiyo: patunay na hindi hadlang ang edad at responsibilidad

Laguna – Sa edad na 38, matagumpay na nagtapos si Bonifacio A. Estinopo Jr. ng BSBA Major in Marketing Management mula sa PUP Open University System, at nagtamo ng Magna Cum Laude. Ang kanyang kwento ay isang inspirasyon sa maraming adult learners at sa mga taong nag-iisip na huli na ang lahat para sa pangarap.


Nagsimula si Estinopo sa pag-aaral muli sa edad na 34. May pamilya, anak, at pinamamahalaan ang sariling negosyo—isang sitwasyon na kadalasan ay nagiging hadlang sa kolehiyo. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, pinilit niyang isingit ang pag-aaral sa kanyang araw-araw na buhay.


 “Akala ko hindi na pwede, pero pwede pa pala,” ani Estinopo. “Minsan, kailangan lang talaga ng tamang push mula sa taong pinakamalapit sa iyo.”


Para sa kanya, ang pangunahing inspirasyon ay ang kanyang asawa, si Iza Estinopo. Ayon kay Bonifacio, ang tamang partner sa buhay ay hindi lang katuwang sa araw-araw, kundi katuwang din sa paghubog ng kinabukasan.


 “Totoo nga na isa sa pinakamahalagang desisyon mo sa buhay ay ang pagpili ng makakasama mo, dahil sila rin ang makakatulong hubugin ang iyong kinabukasan,” dagdag niya.


Hindi naging madali ang journey. Ilang beses niyang naisip na baka hindi niya kayanin ang mga hamon. Ngunit pinanatili niya ang pananampalataya at determinasyon. Ang kanyang life verse mula sa Psalms 37:4 ang nagsilbing gabay sa kanya:

“Delight yourself in the Lord, and He will give you the desires of your heart.”


Lubos din ang kanyang pasasalamat sa pamilya at mga kapamilya, pati na rin sa kanyang mga empleyado mula sa Estinopo Companies, kabilang ang Estinopo Accounting Firm, Estinopo Business Solutions Corporation, at BAERPS Security Solutions, na nagbigay ng inspirasyon at suporta sa bawat hakbang ng kanyang pag-aaral.


 “Ang pinakamataas na papuri at pasasalamat ay sa Diyos. Siya ang nagbigay ng lakas, kaalaman, at lahat ng biyayang aking tinanggap,” wika ni Estinopo.


Ngayon, bukod sa pagtatapos, ang kanyang kwento ay nagiging halimbawa sa marami na kahit sa edad na may pamilya at trabaho, posible pa rin ang pagtatamo ng pangarap. Ito rin ay paalala na sa tulong ng pananampalataya at tamang suporta, walang imposibleng makamit.