Ebak ng tao sa darating na rally sa Setyembre 21 sa halagang ₱50 kada supot?
罗贝尔·阿尔莫格拉 Ipinost noong 2025-09-21 01:23:02
MANILA — Nag-viral ang post ng kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap matapos niyang ibunyag ang umano’y bentahan ng dumi ng tao sa Tondo, Maynila para sa ikakasang kilos-protesta sa darating na Linggo, Setyembre 21.
Ayon sa post ni Yap sa Facebook, nakatanggap siya ng screenshot ng isang conversation mula sa hindi pinangalanang indibidwal na nagsasabing maaari nang magbenta ng dumi basta ito ay nakasupot.
Mabebenta raw ito sa halagang ₱50 kada supot, na aniya’y gagamitin umano sa mismong rally.
“Nagkakabentahan na raw ng tae. T*ng in*ng buhay ’to,” ani Yap sa kanyang post.
Samantala, nagbabala ang pulisya laban sa sinumang mahuhuling magtatapon ng supot ng dumi sa ikakasang kilos-protesta. Ayon sa mga awtoridad, maaari itong magresulta sa patong-patong na kaso tulad ng paglabag sa sanitation laws, malicious mischief, at disturbance of public order.
Habang wala pang kumpirmasyon kung totoo nga ang umano’y bentahan, mabilis itong naging usap-usapan online, kung saan hati ang opinyon ng publiko—may mga naniniwala, habang ang iba nama’y nakikitang bahagi lamang ito ng disinformation laban sa protesta.
Ang naturang kilos-protesta sa Setyembre 21, na tinaguriang Trillion Peso March, ay layong kondenahin ang umano’y malawakang korapsyon sa gobyerno at dadaluhan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang ilang kilalang personalidad. (Larawan: Darryl Yap / Fb)