Heart Evangelista,用于图尔福的奢侈品包骗局
玛格丽特·黛安·费尔明 Ipinost noong 2025-08-15 11:31:19
MANILA — Lumantad ang ilang biktima para isiwalat ang umano’y panloloko ng online seller na si Marwin James Yamat, na sangkot umano sa bentahan ng mamahaling designer bags gaya ng Hermes Birkin. Isa sa mga complainant, si Bernadette, ay nagkuwento na bumili siya ng isang Birkin 25 bag na nagkakahalaga ng ₱999,000 para sa personal na gamit.
Ayon kay Bernadette, pangalawang beses na niya itong nakatransaksyon matapos makabili sa physical store nito sa Quezon City. Sa ikalawang transaksyon, nagkasundo silang ibenta rin ng seller ang mga lumang bag niya kapalit ng interesadong item. Ngunit matapos magbigay ng down payment sa account ng kapatid ni Yamat, hindi na naideliver ang bag. “Kahit hindi mo ko bayaran, ang importante, mapakulong lang kita,” mariing pahayag ni Bernadette.
Lumabas sa imbestigasyon na gumagamit umano si Yamat ng mga larawan at pangalan ng kilalang personalidad tulad ni Heart Evangelista sa kanyang social media page upang magmukhang lehitimo ang negosyo. Sa mismong account ng seller na “Marwin James Consignment,” makikitang may mensahe pa umano kay Evangelista na nagpapasalamat sa isang bag na regalo.
Isa pang complainant, si Marites, ay nagsabing nagsimula ang kanilang ugnayan nang maging supplier sa kanya si Yamat ng glutathione. Kalaunan, naging financier siya ng bag transactions ni Yamat, na may sistema kung saan siya ang bibili ng bag sa ibang bansa at ihahatid sa Pilipinas para ibenta. Sa kabila ng kasunduan, umabot umano sa ₱13 milyon ang kabuuang hindi naibalik na pera sa kanya. “Kailangan ko itong gawin kasi mga bangko ako yung hinahabol… Sapat na siguro yung natulong ko sa’yo na bayaran ko na ‘yung tinulong mo sa’kin dati,” giit ni Marites.
Ayon kay Atty. Renoir Baldovino ng NBI Central Luzon, sakop ng kasong estafa ang reklamo dahil malinaw ang pagkakakilanlan sa suspect. Hinikayat niya ang iba pang posibleng biktima na magtungo sa kanilang tanggapan sa San Fernando, Pampanga upang maghain ng pormal na salaysay. “Marami pong transaksyon na dapat suriing mabuti lalo na kung magbibitiw tayo ng pera,” paalala ng abogado.
Pinaalalahanan din ng NBI ang publiko na mag-ingat sa mga high-value transactions, lalo na online, at tiyaking lehitimo ang mga kausap bago magbayad o magbigay ng personal na impormasyon. Patuloy ang panawagan ng mga complainant na mapanagot si Yamat upang maiwasang may iba pang mabiktima.
Larawan mula sa Raffy Tulfo in Action