Ex-DPWH Cabral exec patay matapos umanong mahulog sa bangin sa Kennon Road
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-19 07:38:00
BAGUIO CITY — Pumanaw si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral matapos umano’y mahulog sa isang bangin sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet nitong Huwebes ng gabi. Kinumpirma ng Cordillera police na natagpuan si Cabral na “unconscious and unresponsive” sa Bued River, tinatayang nasa 20 hanggang 30 metro ang lalim mula sa kalsada.
Ayon sa ulat ng Tuba Municipal Police Station, kasama ni Cabral ang kanyang driver na si Ricardo Hernandez, 56, nang umalis sila mula Baguio City patungong La Union. Bandang alas-3 ng hapon, humiling umano si Cabral na bumaba sa bahagi ng Purok Maramal, Sitio Camp 5 sa Barangay Camp 4.
“She requested that she be left alone,” pahayag ni Hernandez sa mga imbestigador. Pagbalik ng driver makalipas ang ilang oras, hindi na niya natagpuan si Cabral at ang sasakyan. Bumalik siya sa hotel sa Baguio at kalaunan ay nag-ulat sa pulisya.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad. Natagpuan si Cabral at ang minamanehong Toyota Carnival sa ilog bandang alas-8 ng gabi. Inakyat siya ng mga rescuer at dinala sa ospital kung saan idineklara siyang patay ni Dr. Gian Frances Salinas alas-12:02 ng madaling araw ng Biyernes. “She was later declared dead by Dr. Gian Frances Salinas at 12:03 am Friday,” ayon sa Benguet Police Provincial Office.
Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang insidente. Ayon kay Capt. Leobert Cadingan ng Tuba police, patuloy ang pagtukoy sa mga pangyayari bago ang pagkahulog ni Cabral. Samantala, iniutos ng Office of the Ombudsman na kumpiskahin at ingatan ang cellphone at iba pang kagamitan ng dating opisyal bilang bahagi ng imbestigasyon.
Si Cabral ay nagsilbing undersecretary ng DPWH at nakilala sa mga proyektong pang-imprastruktura ng ahensya. Kamakailan lamang ay nagbitiw siya sa puwesto matapos masangkot sa mga alegasyon ng iregularidad sa flood control projects. Kilala rin siya sa loob ng DPWH bilang isa sa mga matagal na nagsilbi sa ahensya.
Patuloy ang paglilinaw ng mga awtoridad sa eksaktong dahilan ng insidente. Sa ngayon, nananatiling bukas ang imbestigasyon kung aksidente o may ibang pangyayari ang nagdulot ng pagkamatay ng dating opisyal.
Larawan mula DPWH
