Diskurso PH
Translate the website into your language:

Duterte, nagkukunwaring may sakit sa pag-iisip para makaiwas sa paglilitis — ICC

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-19 14:14:11 Duterte, nagkukunwaring may sakit sa pag-iisip para makaiwas sa paglilitis — ICC

DISYEMBRE 19, 2025 — Sa gitna ng mas tumatagal na usapin sa International Criminal Court (ICC), muling iginiit ng mga tagausig na dapat nang ipagpatuloy ang proseso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na iniuugnay sa kanyang kampanya kontra droga. Ayon sa kanila, malinaw ang mga pagsusuri ng mga eksperto: hindi hadlang ang kalusugan ni Duterte para harapin niya ang paglilitis.

Noong Setyembre, tatlong medical experts ang itinalaga ng ICC Registry upang suriin ang kondisyon ni Duterte, at sinundan pa ito ng isa pang eksperto noong Nobyembre. Sa kanilang ulat na isinumite noong Disyembre 5, lahat ay nagkasundo na may kakayahan ang dating pangulo na unawain ang mga paratang, ang ebidensiya laban sa kanya, at ang kahihinatnan ng mga pagdinig.

Sa dokumentong inihain ng Prosecution, binanggit na si Duterte ay “unreliable historian” ng sarili niyang kalusugan at mental na kakayahan. 

Nakasaad pa na, “Mr Duterte was underperforming while being assessed. For instance, Dr [REDACTED] used the ‘coin in hand test’ which, as described in his report, is announced as a test for ‘short-term memory’, but is actually a ‘floor’ test that is ‘very simple even for an individual with moderate to severe memory impairment.’” 

(Mahina ang naging performance ni Duterte habang sinusuri. Halimbawa, ginamit ni Dr [REDACTED] ang ‘coin in hand test’ na inilarawan bilang pagsusuri sa ‘short-term memory,’ ngunit sa katunayan ay napakasimple nito kahit para sa taong may malubhang memory impairment.)

Dagdag pa ng Prosecution, hindi maaasahan ang mga reklamo ni Duterte tungkol sa kanyang kalusugan dahil lumabas sa lahat ng pagsusuri na hindi ito tugma sa aktwal na resulta.

Sa siyam na pahinang pagsusumite, iginiit ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, “The Prosecution submits that based on the unanimous findings of the Experts’ Reports, the Chamber has the necessary information to conclude that Mr Duterte is fit to take part in the pre-trial proceedings, and accordingly, schedule the resumption of the proceedings on the confirmation of charges.” 

(Ipinapahayag ng Prosecution na batay sa nagkakaisang resulta ng mga ulat ng eksperto, may sapat na impormasyon ang Chamber upang i-conclude na si Ginoong Duterte ay akmang makibahagi sa pre-trial proceedings, at dapat nang itakda ang pagpapatuloy ng pagdinig sa kumpirmasyon ng mga kaso.)

Kasabay nito, iminungkahi ng panel at ng Medical Officer ng Detention Centre na baguhin ang schedule ng korte upang isaalang-alang ang pisikal na kalagayan ni Duterte: apat na araw lamang kada linggo, hindi lalampas sa dalawang magkasunod na araw ng pagdinig, at bawat sesyon ay 90 minuto na may sapat na pahinga. Inirekomenda rin ang pagbibigay ng pagkaing angkop sa kanyang kulturang pinagmulan.

Hindi naman tinanggap ng kampo ni Duterte ang mga ulat ng eksperto. 

Sa kanilang pagsusumite noong Disyembre 18, iginiit ng lead counsel na si Nicholas Kaufman, “He (Duterte) cannot retain information for more than a short space of time. The Defence finds it impossible to work with Mr Duterte because his instructions change from day to day, depending on his deficient recollection of information provided to him only the day before.” 

(Hindi kayang panatilihin ni Duterte ang impormasyon nang matagal. Imposible para sa Depensa na makipagtulungan sa kanya dahil nagbabago ang kanyang mga utos araw-araw, depende sa kulang na alaala ng impormasyong ibinigay sa kanya kahapon lamang.)

Dagdag ng depensa, hindi rin umano kayang suriin ni Duterte ang ebidensiya at magbigay ng tamang desisyon. Binanggit nila na may mga problema sa memorya ang dating pangulo, bagaman nagkakaiba ang mga eksperto sa antas ng kalubhaan nito.

Bukod dito, kinuwestiyon ng depensa ang pag-asa ng mga eksperto sa medical files ng 2025 lamang, nang hindi isinama ang mas naunang rekord mula sa Pilipinas. Dahil dito, humiling sila ng disclosure ng lahat ng komunikasyon sa pagitan ng ICC Registry at ng mga eksperto, pati na rin ng isang evidentiary hearing upang masuri ang ebidensiya bago magpasya ang korte.

Sa kabila ng pagtutol, sumang-ayon ang depensa sa ilang mungkahi ng Prosecution upang isaalang-alang ang kalusugan ni Duterte. Gayunpaman, nananatiling matibay ang panawagan ng mga tagausig na agad ipagpatuloy ang kumpirmasyon ng mga kaso.

Ang Office of Public Counsel for Victims (OPCV) ay dati nang nanawagan na huwag nang ipagpaliban pa ang proseso, dahil malinaw sa ulat ng mga eksperto na may kakayahan si Duterte na humarap sa paglilitis.

Sa puntong ito, nakasalalay sa Pre-Trial Chamber I ang desisyon kung muling bubuksan ang pagdinig — isang hakbang na inaabangan ng publiko at ng mga biktima ng kampanya kontra droga.



(Larawan: Yahoo)