DPWH nagluksa sa pagpanaw ng dating undersecretary na si Cathy Cabral
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-19 07:38:01
MANILA — Naglabas ng pahayag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa pagkamatay ni dating Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral, na natagpuang wala nang buhay matapos umano’y mahulog sa bangin sa Kennon Road, Tuba, Benguet noong Huwebes ng gabi.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ng DPWH na “nakikiramay ang buong kagawaran sa pamilya at mga mahal sa buhay ni dating Undersecretary Cabral.” Dagdag pa ng ahensya: “Her untimely passing is a great loss to the engineering community. She dedicated decades of her life to public service and was recognized as a model for women in infrastructure.”
Kinumpirma ng Benguet Police Provincial Office na natagpuan si Cabral bandang alas-8 ng gabi sa Bued River, humigit-kumulang 20 hanggang 30 metro mula sa kalsada. Idineklara siyang patay ni Dr. Gian Frances Salinas alas-12:03 ng madaling araw ng Biyernes.
Ayon sa imbestigasyon, kasama niya ang driver na si Ricardo Hernandez nang maglakbay mula Baguio patungong La Union. Huminto sila sa bahagi ng Camp 5, Barangay Camp 4, kung saan humiling si Cabral na maiwan mag-isa. Nang bumalik ang driver, wala na ang opisyal at ang sasakyan.
Binigyang-diin ng DPWH na si Cabral ay matagal na nagsilbi sa ahensya at naging pangunahing tagapagtaguyod ng mga proyektong pang-imprastruktura. Kilala rin siya bilang isa sa mga “Women in Infrastructure” na nagbigay inspirasyon sa mga kababaihan sa larangan ng inhinyeriya.
Samantala, iniutos ng Office of the Ombudsman na ingatan at kumpiskahin ang cellphone at iba pang kagamitan ni Cabral bilang bahagi ng imbestigasyon. Patuloy namang iniimbestigahan ng Cordillera police ang eksaktong dahilan ng insidente.
“We honor her contributions and remain committed to upholding integrity and transparency in all our projects,” dagdag ng DPWH sa kanilang pahayag.
Larawan mula The Manila Times
