Good News! Biyaheng Buendia-Cavinti ng DLTB, umarangkada na!
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-18 23:09:44
LAGUNA — Mas pinadali na ang biyahe ng mga residente ng Cavinti, Laguna matapos opisyal na umarangkada ang bagong rutang Buendia–Cavinti ng DLTB Bus Company. Sa pagbubukas ng direktang ruta, hindi na kinakailangang mag-stopover pa sa Santa Cruz, Laguna ang mga pasahero bago makarating sa kanilang bayan, na dati’y nagdudulot ng dagdag na oras, gastos, at abala.
Ayon sa abiso, daraan ang bagong ruta sa mga barangay ng Caliraya at Poblacion sa bayan ng Lumban, na magsisilbing karagdagang sakayan at babaan para sa mga pasaherong mula at patungo sa mga nasabing lugar. Inaasahang makatutulong ito hindi lamang sa mga residente kundi pati na rin sa mga turista at manggagawang regular na bumibiyahe sa pagitan ng Metro Manila at mga bayan sa silangang bahagi ng Laguna.
Pinuri ng ilang commuter ang pagbubukas ng bagong ruta dahil mas direkta, mas mabilis, at mas maginhawa umano ang kanilang pag-uwi. Malaki rin ang inaasahang benepisyo nito sa lokal na ekonomiya, lalo na sa turismo sa Cavinti at mga karatig-bayan. Patuloy namang hinihikayat ang publiko na sumunod sa mga alituntunin sa kaligtasan at manatiling updated sa iskedyul at terminal assignments ng DLTB para sa maayos at ligtas na biyahe. (Larawan: Si Arrantlee Arroyo ang MAYOR Ko / Facebook)
