Good News: ₱10k housing aid para sa Odette survivors sa Cebu, ipinamahagi na!
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-13 00:33:30
CARCAR CITY, Cebu — Sa wakas ay naramdaman na ng libo-libong Cebuano ang matagal nang inaasam na tulong matapos simulan ngayong Disyembre 12 ang pamamahagi ng ₱10,000 housing assistance mula sa National Housing Authority (NHA) para sa mga biktima ng Super Typhoon Odette.
Ipinahayag ni Cebu Governor Pamela Baricuatro ang kanyang labis na tuwa at ginhawa nang personal siyang dumalo sa distribusyon ng ayuda sa Barangay Poblacion gymnasium sa Carcar City, kasama ang NHA team na pinangunahan ni Regional Manager Hermes Jude Juntilo.
“Nalipay kog dako nga nakab-ot na nato kini kay kabalo ko sa kasakit, kahago, ug paglaum nga atong gidala sulod sa pila ka tuig since Odette,” ani Gov. Baricuatro habang kinakausap ang mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP), bawat piling sambahayan na nakaranas ng matinding pinsala o tuluyang nasira ang tahanan ay makatatanggap ng ₱10,000. Ang Carcar City, na may 5,787 validated beneficiaries, ang kauna-unahang LGU sa Cebu na nabigyan ng pondo matapos maipasa nang kumpleto ang kanilang listahan sa NHA.
Present din sa aktibidad sina Mayor Patrick Barcenas, Vice Mayor Perkins de Dios, at mga kinatawan mula sa DSWD at Office of Civil Defense, na nagpahayag ng suporta sa mabilis na pagpapatupad ng ayuda.
Matatandaang may naunang ₱742 milyon na alokasyon ang NHA para sa Odette victims, ngunit ito ay naibalik sa National Treasury dahil sa hindi pagkakasundo ng housing agency at ng nakaraang provincial administration sa paraan ng distribusyon.
Upang maibalik ang tulong sa mga karapat-dapat na benepisyaryo, agad na kumilos ang bagong administrasyon. Noong Nobyembre 18, nagpadala si Gov. Baricuatro ng pormal na liham kay NHA General Manager Joeben Tai upang irekomenda ang reallocation ng pondo. Ilang araw lamang ang lumipas, inanunsyo ni Tai na iniutos mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-release ng pondo ngayong buwan.
Binigyang-diin ni Gov. Baricuatro na tungkulin ng pamahalaan na tiyaking makarating sa tao ang tulong na mula sa buwis ng publiko.
“Dili ni among kwarta, sa taxpayers man ni. Ang among trabaho sa executive branch is to make sure nga maabot ninyo ang tabang nga angay ninyong madawat gikan sa gobyerno,” mariin niyang pahayag.
Ang paglabas ng matagal nang nakabinbing ayuda ay itinuturing na malaking tagumpay para sa Capitol, at isang mahalagang hakbang sa pagpapabalik ng dignidad at pag-asa sa libo-libong Cebuano na nasalanta ng super typhoon apat na taon na ang nakalipas. Sa patuloy na pag-agos ng tulong, nananatiling determinado ang pamahalaang panlalawigan na tiyaking lahat ng kwalipikadong pamilya ay makatatanggap ng kanilang nararapat na benepisyo. (Larawan: Cebu Province / Facebook)
