Diskurso PH
Translate the website into your language:

Manibela, itinigil ang transport strike sa Day 2 matapos makipagpulong sa DOTr

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-11 12:35:50 Manibela, itinigil ang transport strike sa Day 2 matapos makipagpulong sa DOTr

DISYEMBRE 11, 2025 — Itinigil ng transport group na Manibela ang ikalawang araw ng kanilang tatlong-araw na welga matapos makipagpulong sa Department of Transportation (DOTr) at mga kaugnay na ahensya na nangakong tutugon sa mga hinaing ng mga tsuper at operator.

Ayon sa grupo, ang desisyon ay bunga ng serye ng dayalogo sa DOTr, Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Sa mga pulong, nangako ang mga opisyal na ilalabas ang mga nakabinbing jeepney units, plaka, at lisensya ng mga apektadong operator. Kasama rin sa mga pangako ang paglalabas ng memorandum circular para sa pagpapalawig ng Provisional Authority at pagpaparehistro ng mga sasakyan.

Isa sa pinakamabigat na isyu na binigyang-diin ng Manibela ay ang umano’y “payola culture” sa loob ng transport offices. Nangako ang mga ahensya na sisiyasatin at pananagutin ang mga tauhan ng LTO at LTFRB na sangkot sa panunuhol at pagbebenta ng Provisional Authority sa mga aplikante ng TNVS.

Sa kabila ng maagang pagtigil ng welga, iginiit ng grupo na matagumpay ang kanilang pagkilos dahil nakakuha sila ng atensyon at pangako ng aksyon mula sa pamahalaan. 

“The Manibela transport strike succeeded in gaining attention and promises of action from government agencies,” pahayag ng grupo. 

(Nagtagumpay ang transport strike ng Manibela sa pagkuha ng atensyon at pangako ng aksyon mula sa mga ahensya ng gobyerno.)

Mismong si Manibela chairperson Mar Valbuena ang nagpasalamat sa mga lumahok. 

“Nagpapasalamat kami sa lahat ng lumahok, nakiisa at sumuporta sa aming paglaban,” aniya. 

Bagama’t tapos na ang welga, nanindigan ang grupo na patuloy nilang babantayan ang pagtupad ng mga pangako ng DOTr, LTO, at LTFRB. Binanggit din nila ang direktang atensyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanilang mga hinaing.

Iginiit pa ng Manibela na ang laban ay hindi lamang para sa mga tsuper kundi para sa kapakanan ng mga mananakay. 

“Sa hanay ng matatapang na Manibela, patuloy tayong lumalaban laban sa kurapsyon at katiwalian,” pahayag ng grupo. 



(Larawan: MANIBELA | Facebook)