Demolition ng Metrowalk, sinumulan na para magbigay daan sa Ortigas Subway Project
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-23 21:25:47
OKTUBRE 23, 2025 — Binakuran at sinimulan nang gibain ng Department of Transportation (DOTr) ang bahagi ng Metrowalk sa Pasig City para sa itatayong Ortigas Station ng Metro Manila Subway Project (MMSP).
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, matagal nang naantala ang proyekto sa nasabing lokasyon.
“After nearly three years of delay, we have started the demolition and fencing works on the property so we can begin constructing the Ortigas Station,” pahayag niya.
(Matapos ang halos tatlong taong pagkaantala, sinimulan na namin ang demolisyon at pagbabakod sa lugar para masimulan na ang pagtatayo ng Ortigas Station.)
Ang Metrowalk ay pag-aari ng Blemp Commercial of the Philippines Inc. (BCPI) na pinamamahalaan ng pamilya Singson. Mula sa kabuuang walong ektarya ng property, 12,752 square meters ang ilalaan para sa istasyon.
Pinangunahan ang aktibidad ni Transportation Assistant Secretary IC Calaguas, kasama sina dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson at Ako Ilocano Ako Party-list Rep. Richelle Singson Michael.
“The Singson family is fully cooperative with the government’s infrastructure program,” ayon kay Singson.
“Buong suporta ang pamilya Singson sa programa ng pamahalaan para sa imprastraktura.)
Sa kasalukuyan, nasa 82 porsyento na ang nakuhang right-of-way ng DOTr para sa subway. Target nitong maabot ang 95 porsyento bago matapos ang taon upang tuloy-tuloy ang konstruksyon.
Ang Ortigas Station ay bahagi ng 33-kilometrong underground railway na mag-uugnay sa Valenzuela at Parañaque, may karugtong na linya patungong NAIA Terminal 3 sa Pasay. Kapag natapos sa 2032, inaasahang bababa sa 45 minuto ang biyahe mula Valenzuela hanggang Pasay — mula sa dating 98 minuto. Tinatayang 519,000 pasahero ang makikinabang araw-araw.
Noong nakaraang buwan, pinangunahan nina Lopez at Pasig Mayor Vico Sotto ang pagbuwag sa Blackrock property, isa pang bahagi ng proyekto. Ang hakbang ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang implementasyon ng subway upang maibsan ang araw-araw na siksikan sa Metro Manila.
(Larawan: Philippine News Agency)