‘Budol Budol More?’ — Atty. Vic Rodriguez, kinuwesyon ang resulta ng ‘Build Better More’ Projects ni BBM
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-23 23:06:04
MANILA — Binatikos ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ang flagship infrastructure program ng administrasyong Marcos Jr. na “Build Better More,” matapos umanong mabigo itong magpakita ng malinaw na resulta sa kabila ng mga isyung bumabalot dito.
Iginiit ni Rodriguez na tila nananatili lamang sa pangalan ang programa at hindi nakikita ang inaasahang pagpapatuloy ng “Build, Build, Build” ng nakaraang administrasyon. Binigyang-diin niya ang kakulangan umano ng transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo, na dapat sana ay nakatuon sa mga proyektong magpapabuti sa imprastruktura ng bansa.
Sa kanyang pahayag, kinuwestiyon din ni Rodriguez kung saan napupunta ang mga pondong inilaan para sa mga proyektong ipinangangako ng gobyerno, kasabay ng pagbibigay-diin sa pangangailangang ipaliwanag ito sa publiko.
Ang “Build Better More” ay pangunahing programa ng kasalukuyang administrasyon na layong palawakin ang mga imprastrukturang magsusulong ng konektibidad, kalakalan, at pag-unlad sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Gayunman, patuloy itong kinakaharap ng mga batikos mula sa mga kritiko hinggil sa mabagal na implementasyon at isyu ng katiwalian. (Larawan: Atty. Vic Rodriguez / Facebook)