Sino nga ba si Ahmed Al Ahmed? Ang Bayaning Muslim sa naganap na pag-atake sa Bondi Beach, Sydney
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-15 23:27:43
SYDNEY, Australia — Kinilala ngayon bilang isang bayani si Ahmed Al Ahmed, ang Muslim civilian na nagpakita ng pambihirang tapang matapos niyang agawan ng armas ang isa sa mga salarin sa madugong pamamaril sa Bondi Beach, Sydney. Ang kanyang ginawa ay itinuturing ng mga awtoridad bilang mahalagang dahilan kung bakit naiwasan ang mas marami pang pagkamatay sa naturang “terrorist act.”
Ayon sa Australian police, naganap ang pamamaril noong Linggo ng gabi nang magpaputok ng military-grade weapons sina Sajid Akram, 50, at ang kanyang anak na si Naveed Akram, 24, sa mga tao sa kahabaan ng Bondi Beach. Labinlimang katao ang nasawi at 42 ang nasugatan. Napatay si Sajid Akram habang ang anak naman ay kritikal na nasugatan at nasa kustodiya ng pulisya.
Sa kasagsagan ng kaguluhan, si Ahmed—na noo’y nagkakape lamang sa tabing-dagat kasama ang isang kaibigan—ay kumilos nang maubusan ng bala ang isa sa mga salarin. Ayon sa kanyang ina na si Malakeh Hasan Al Ahmed, nakita ni Ahmed na may mga taong namamatay na, kaya’t hindi siya nagdalawang-isip na agawan ng baril ang gunman. Gayunman, siya ay tinamaan ng apat hanggang limang bala sa balikat, at ilan sa mga bala ay nananatili pa sa loob ng kanyang katawan.
Si Ahmed ay ipinanganak sa al-Nayrab village sa Idlib, Syria, at lumipat sa Australia noong 2006. Isa na siyang Australian citizen at nagtatrabaho bilang fruit seller. Siya ay ama ng dalawang batang babae na may edad tatlo at anim. Ayon sa kanyang mga magulang, hiwalay siya sa kanila sa loob ng 19 na taon ngunit kilala bilang isang taong handang tumulong sa kapwa, anuman ang lahi o relihiyon.
“Hindi niya iniisip kung sino ang tinutulungan niya. Ang mahalaga sa kanya ay mailigtas ang buhay ng mga tao,” ayon sa kanyang ama na si Mohamed Fateh Al Ahmed. Ang kanyang kabayanihan ay kinilala maging ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na tumawag sa kanya bilang isang “hero.”
Samantala, matagumpay na naisagawa ang unang operasyon kay Ahmed, at maaari pa siyang sumailalim sa mga karagdagang surgery. Isang online fundraiser na inilunsad sa kanyang pangalan ang nakalikom na ng mahigit $1 milyon bilang tulong sa kanyang gamutan. Nanatiling naka-confine sa ospital si Ahmed habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente—isang tahimik na bayani na sa isang iglap, ay nagbuwis ng sariling kaligtasan para sa buhay ng iba. (Larawan: @ChrisMinnsMP via X)
