Diskurso PH
Translate the website into your language:

Madagascar president, tumakas matapos ang gen z protests, ayon sa mga opisyal

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-14 08:10:45 Madagascar president, tumakas matapos ang gen z protests, ayon sa mga opisyal

Madagascar — Umalis ng bansa si Madagascar President Andry Rajoelina matapos ang sunod-sunod na kilos-protesta ng kabataang “Gen Z” na nagresulta sa pagkalas ng ilang yunit ng militar, ayon sa mga opisyal at lider ng oposisyon nitong Lunes.


Kinumpirma ni Siteny Randrianasoloniaiko, lider ng oposisyon sa parlamento, na nilisan ni Rajoelina ang bansa noong Linggo matapos lumipat sa panig ng mga nagpoprotesta ang ilang tropa ng hukbong sandatahan. “Nakumpirma namin mula sa tanggapan ng pangulo na umalis siya sa bansa,” ani Randrianasoloniaiko, bagama’t hindi tinukoy kung saan ito tumungo.


Sa isang talumpati na ipinalabas sa Facebook, sinabi ni Rajoelina na napilitan siyang lumipat sa isang “ligtas na lokasyon” upang protektahan ang kanyang buhay. Gayunman, iginiit niyang hindi siya bababa sa puwesto at hindi niya “hahayaan na masira ang Madagascar.”


Ayon sa isang military source, lumipad si Rajoelina sakay ng French military aircraft mula sa Sainte Marie airport. Makalipas ang ilang minuto, isang helicopter umano ang naghatid sa kanya patungo sa eroplano. Iniulat ng French radio RFI na posibleng nakipagkasundo si Rajoelina kay French President Emmanuel Macron, bagama’t tumangging kumpirmahin ito ng huli.


Sinabi ni Macron na dapat mapanatili ang konstitusyunal na kaayusan sa Madagascar, ngunit kinilala rin niya ang mga lehitimong hinaing ng kabataan na aniya’y hindi dapat samantalahin ng mga pwersang militar.


Nagsimula ang protesta noong Setyembre 25 dahil sa kakulangan ng tubig at kuryente, ngunit mabilis itong lumawak laban sa katiwalian, kawalan ng serbisyo publiko, at matagal nang pamamalakad ng gobyerno.


Naging mas delikado ang sitwasyon nang magdeklara ang elite military unit na CAPSAT ng kanilang pagsuporta sa mga nagpoprotesta. Ang naturang yunit ay siyang tumulong kay Rajoelina na makuha ang kapangyarihan sa isang kudeta noong 2009. Sa pagkakataong ito, tumanggi ang CAPSAT na magpaputok laban sa mga raliyista at sa halip ay sinamahan ang libo-libong mamamayan sa kabisera, Antananarivo.


Kasunod nito, nagdeklara rin ng suporta ang ilang miyembro ng gendarmerie o paramilitary police sa mga nagpoprotesta at nagpalit ng pamunuan sa isang seremonya noong Lunes.


Ayon sa batas ng Madagascar, ang lider ng Senado ang pansamantalang hahalili sa pangulo sa oras ng bakante. Nitong Lunes, itinalaga si Jean André Ndremanjary bilang pansamantalang pinuno matapos tanggalin sa puwesto ang kasalukuyang pangulo ng Senado.


Umabot sa hindi bababa sa 22 ang nasawi sa mga sagupaan mula nang magsimula ang protesta, ayon sa ulat ng United Nations.


Karamihan sa populasyon ng bansa — halos 30 milyon — ay nabubuhay sa kahirapan, at higit sa tatlong-kapat nito ay wala sa sapat na kita. Sa kabila ng pagiging pangunahing tagapagtustos ng vanilla sa buong mundo, nananatiling mababa ang kita ng karaniwang mamamayan, lalo na ng kabataang kabilang sa “Gen Z” na siyang nangunguna ngayon sa pagkilos.


“Ilang taon na silang nagpapayaman habang nananatiling mahirap ang taumbayan. Kami, ang kabataan, ang pinakatinamaan,” ayon kay Adrianarivony Fanomegantsoa, 22 anyos na hotel worker na sumama sa protesta.


Bago tumakas, pumirma pa umano si Rajoelina ng mga dokumento ng pagpapatawad sa ilang bilanggo, kabilang ang dalawang French nationals na dati nang nasangkot sa tangkang kudeta noong 2021.


Sa ngayon, nananatiling hindi malinaw kung saan nagtatago ang pangulo at kung sino ang tunay na may kontrol sa pamahalaan ng Madagascar.