2 OFW nawawala sa Hong Kong, hinahanap ng mga awtoridad
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-13 15:17:22
HONG KONG — Dalawang overseas Filipino workers (OFWs) ang naiulat na nawawala sa Hong Kong, ayon sa Migrant Workers Office (MWO) sa nasabing lungsod.
Kinilala ang mga nawawalang Filipina na sina Imee Mahilum Pabuaya, 23 taong gulang, at Aleli Perez Tibay, 33. Huling nakita ang dalawa noong Oktubre 4 sa Yeung UK Road, Tsuen Wan District.
Ayon kay Antonio Villafuerte, officer-in-charge ng MWO-Hong Kong, lumabas na sa social media ang balita tungkol sa pagkawala ng dalawang OFWs. “The Philippine Consulate is coordinating with the police and the Immigration department in Hong Kong to locate the two OFWs,” ani Villafuerte.
Sa opisyal na pahayag ng Hong Kong Police, nananawagan sila sa publiko para sa anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paghahanap sa dalawang Filipina. Kasalukuyang sinusuri ang CCTV footage sa lugar kung saan huling namataan ang mga ito.
Ang mga nawawalang OFW ay parehong domestic workers na may legal na kontrata sa Hong Kong. Wala pang indikasyon kung may foul play na sangkot, ngunit patuloy ang imbestigasyon ng mga lokal na awtoridad sa pakikipagtulungan ng Philippine Consulate.
Nanawagan ang MWO sa komunidad ng mga Pilipino sa Hong Kong na makipag-ugnayan agad sa kanilang tanggapan kung may impormasyon ukol sa kinaroroonan nina Pabuaya at Tibay.