Kapit-tuko deal: Bucks pinirmahan si Thanasis para ma-hold si Giannis
玛格丽特·黛安·费尔明 Ipinost noong 2025-09-03 09:42:57
MILWAUKEE — Muling pinirmahan ng Milwaukee Bucks si Thanasis Antetokounmpo sa isang one-year, $2.9 million deal, isang hakbang na binabasa ng marami bilang indikasyon na hindi na itutuloy ni Giannis Antetokounmpo ang anumang trade request ngayong offseason.
Si Thanasis, 33, ay bumalik sa Bucks matapos ang isang taong pagkawala dulot ng torn Achilles tendon na kanyang tinamo noong Mayo 2024. Bago ang injury, naglaro siya ng limang season sa Milwaukee mula 2019 hanggang 2024, at naging bahagi ng championship team noong 2021.
Ayon sa NBA.com, si Thanasis ay kasalukuyang naglalaro para sa Greece sa EuroBasket, kung saan muling nakita ng Bucks management ang kanyang kontribusyon sa depensa. “I was doing my job, that's my role,” ani Thanasis sa isang panayam, matapos ang kanyang pagbabalik sa court laban sa Italy.
Ang muling paglagda kay Thanasis ay may mas malalim na kahulugan sa loob ng organisasyon. Bilang nakatatandang kapatid ni Giannis, siya ay matagal nang itinuturing na barometro ng kalagayan ng franchise star. Ayon sa News18 Sports, “Milwaukee’s willingness to keep him on the roster is often read as a commitment to keeping their superstar comfortable.”
Matatandaang lumutang ang mga tsismis ukol sa posibleng trade ni Giannis matapos ang ikatlong sunod na first-round playoff exit ng Bucks. Dagdag pa rito ang pag-waive kay Damian Lillard, na may natitirang $113 milyon sa kontrata, upang bigyang daan ang pagkuha kay Myles Turner mula sa Indiana Pacers.
Sa kabila ng mga haka-haka, nananatiling tahimik si Giannis sa usapin ng trade. Ngunit ayon sa MSN Sports, “Giannis Antetokounmpo asking for a trade at this point in the summer was highly unlikely, but this should end talk. For now.”
Si Giannis ay may natitirang isang taon sa kanyang kontrata na nagkakahalaga ng $58.5 milyon, at may player option na $63 milyon para sa 2026–27 season. Sa kabila ng mga pagbabago sa roster, nananatili siyang isa sa mga pinakamatatag na manlalaro sa liga, na may average na 30.4 puntos, 11.9 rebounds, at 6.5 assists noong nakaraang season.
Ang muling pagsasama ng magkapatid sa Milwaukee ay tila isang hakbang ng franchise upang mapanatili ang kanilang two-time MVP — at muling buuin ang championship aspirations ng koponan.
Larawan mula sa NBA