ABS-CBN, balik Channel 2 sa ilalim ng ALLTV matapos tuldukan ang alyansa sa TV5
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-18 08:48:21
DISYEMBRE 18, 2025 — May bagong yugto na naman ang Kapamilya Network. Simula Enero 2, 2026, muling mapapanood ang mga pangunahing palabas ng ABS-CBN sa ALLTV matapos pirmahan ng kompanya ang kasunduan sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS) ni Manuel Villar Jr. Ang anunsyo ay isinapubliko sa Philippine Stock Exchange, kasunod ng pormal na pagwawakas ng pakikipag-ugnayan sa TV5 Network Inc. ni Manuel Pangilinan.
Tinanggap ng ABS-CBN ang abiso ng TV5 hinggil sa pagputol ng kanilang kasunduan, na nag-ugat sa hindi pagkakasundo sa hatian ng kita. Kasabay nito, tiniyak ng Lopez-led network na babayaran ang lahat ng obligasyon sa TV5 at Mediaquest Holdings Inc. habang tinatapos ang dating kontrata.
Ang pagbabalik sa Channel 2 frequency ay symbolic. Matatandaang ang prangkisa ng ABS-CBN ay hindi na-renew noong 2020, dahilan upang magsilbi lamang itong content provider sa iba’t ibang istasyon. Sa bagong kasunduan, muling matutunghayan ang Kapamilya Channel sa dating tahanan nito, na ngayon ay pinapatakbo ng AMBS.
Hindi na bago ang ugnayan ng ABS-CBN at AMBS. Noong 2024, nagsimula nang magpalabas ang ALLTV ng piling programa, gaya ng TV Patrol at It’s Showtime, sa ilalim ng Jeepney TV brand. Ngayon, sa mas malawak na kasunduan, mapapanood na rin ang mga serye tulad ng FPJ’s Batang Quiapo at mga variety show gaya ng ASAP sa prime-time slot ng ALLTV.
Gayunman, hindi lubusang lilisanin ng ABS-CBN ang ibang plataporma. Mananatili ang ilang palabas sa A2Z, habang ang It’s Showtime at Pinoy Big Brother Celebrity Collab 2.0 ay patuloy na mapapanood sa GMA Network.
(Larawan: ABS-CBN | Facebook)
