Pondo ni Jinggoy, siniksik sa listahan ng DPWH sa loob lamang ng 15 minuto
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-30 18:14:30
OKTUBRE 30, 2025 — Sa gitna ng imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood control projects, lumutang ang testimonya ng dalawang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa umano’y pagmamadali sa pagbuo ng listahan ng mga proyektong popondohan mula sa ₱355-milyong alokasyon ni Senador Jinggoy Estrada.
Ayon kay dating DPWH Bulacan Engineer Henry Alcantara, isang araw noong 2024 ay tinanong siya ni noo’y Undersecretary Roberto Bernardo kung may mga proyekto pa siyang gustong pondohan. Aniya, may sobrang pondo si “SJE” — pinaniniwalaang si Estrada — na kailangang ilaan agad.
“I told my staff to draft a list of projects immediately. They finished it within 10 to 15 minutes,” pahayag ni Alcantara sa ICI.
(Sinabihan ko ang staff ko na gumawa agad ng listahan ng mga proyekto. Natapos nila ito sa loob ng 10 hanggang 15 minuto.)
Hindi nagtagal, lumitaw ang pangalan ng WJ Construction sa mga dokumentong isinumite ni dating Assistant District Engineer Brice Hernandez. Ayon sa kanya, taong 2025 ay may mga follow-up mula kina Beng Ramos at isang “Ms. Mina” kaugnay ng mga proyektong konektado kay Estrada.
Batay sa records ni Hernandez, nakakuha ang kumpanya ni Mina ng ₱75 milyon para sa mga flood control project. Mariin namang itinanggi ni Mina ang anumang kaugnayan sa naturang alokasyon.
Samantala, tinawag ni Estrada na “baseless” ang mga paratang. Iginiit niyang wala siyang nilabag na batas at walang kinalaman sa sinasabing ghost projects.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagbusisi ng ICI sa mga dokumento at testimonya upang matukoy kung paano naaprubahan ang mga proyektong isiniksik sa loob lamang ng ilang minuto — at kung sino ang tunay na nakinabang sa pondo.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
