Diskurso PH
Translate the website into your language:

SALN access ng gabinete ni Marcos, hindi awtomatiko — Palasyo, maghihigpit sa mga hihiling

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-26 09:05:07 SALN access ng gabinete ni Marcos, hindi awtomatiko — Palasyo, maghihigpit sa mga hihiling

OKTUBRE 26, 2025 — Hindi basta-basta makakakuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa Malacañang. Bagama’t bukas ang Pangulo sa ideya ng paglalathala ng kanyang SALN, iginiit ng Palasyo na kailangang may malinaw at makatuwirang dahilan ang sinumang maghahain ng kahilingan.

Sa panayam nitong Sabado, binigyang-diin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi layunin ng pamahalaan ang pagbawal, kundi ang pag-regulate lamang ng access sa SALN ng mga opisyal.

“We have no denial of access, but we must control the access,” ani Bersamin. 

(Wala kaming intensyong ipagkait ang access, pero kailangan naming kontrolin ito.)

Paliwanag niya, may mga sensitibong detalye sa SALN na maaaring magbanta sa seguridad ng mga opisyal kung malalantad sa publiko.

“The SALN contains many details that might compromise the security and safety of the public officials concerned,” aniya. 

(May mga detalye sa SALN na maaaring magdulot ng panganib sa seguridad ng mga opisyal.)

Dagdag pa ni Bersamin, may mga patakaran na dapat sundin sa paghingi ng SALN, at hindi ito maaaring gawin nang padalos-dalos.

“Our existing rules require any person who wants to access any SALN of any official [to] give a good reason,” sabi niya. 

(May umiiral na patakaran na nagsasabing kailangang may makatuwirang dahilan ang sinumang gustong humingi ng SALN ng isang opisyal.)

Sa mga lehitimong kahilingan — tulad ng mga may kaugnayan sa imbestigasyon o kasong isinampa — maaari umanong ibigay ang SALN, ngunit may redactions o pagtatakip sa ilang personal na impormasyon.

“Wala namang problema kung legitimate yung rason and we are satisfied that it is for a legitimate reason that a SALN is required to be accessed. Ibibigay namin yan for certain redactions,” ani Bersamin. “That is normally done.” 

Sa tanong kung saklaw ng lehitimong dahilan ang paggamit ng SALN ng media para siyasatin ang mga koneksyon ng isang opisyal sa gobyerno, sagot ni Bersamin: “Pwede siguro yan but you have to justify that in your application. Hindi one-size-fits-all ito. It depends on the situation in which you filed your request. If we are satisfied that you have a legitimate request and your need for the SALN is necessary, we will do it, we will release it.”

Gayunman, pinuna rin niya ang ilang media outlet na tila ginagamit ang SALN para lang makalkal ang personal na buhay ng isang opisyal.

“Kung just for the heck of getting a copy or access to the SALN of a person they are researching on, you can do it through other means,” aniya. 

(Kung para lang basta makakuha ng kopya ng SALN ng isang taong iniimbestigahan, may ibang paraan para gawin yan.)

Binigyang-diin ni Bersamin na ang layunin ng SALN sa batas ay para masubaybayan ang lifestyle ng mga lingkod-bayan, hindi para gamiting sandata laban sa kanila.

“We do not want the SALN to be a weapon. That will deter service in the public sector,” aniya. 

(Ayaw naming gamitin ang SALN bilang sandata. Makakaapekto ito sa pagpasok ng mga kwalipikadong tao sa gobyerno.)

Sa kasalukuyang administrasyon, ang mga SALN ng mga kalihim ay isinusumite sa Office of the Executive Secretary, habang ang sa Pangulo at Pangalawang Pangulo ay sa Office of the Ombudsman. Ang mga kahilingan para sa kopya ay dapat idaan sa tamang ahensya at may kasamang nakasulat na paliwanag.

Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na magpupulong ang gabinete upang talakayin ang posibilidad ng boluntaryong paglalabas ng kanilang SALN.

Noong Oktubre 15, sinabi ni Marcos Jr. na handa siyang ilabas ang kanyang SALN at hihikayatin din ang kanyang mga kalihim na gawin ito.

“My SALN … will be available as available to whoever would like to – kung bigyan – hingiin sa akin ng ICI, eh 'di siyempre ibibigay ko. Kung hingiin sa akin ng Ombudsman, ng ano, ibibigay namin,” ani Marcos Jr.

Para naman sa ilang mambabatas, ang mas maluwag na access sa SALN ay hakbang patungo sa mas bukas na pamahalaan. Ayon kay House Infra-Comm Co-Chair Terry Ridon, ang SALN ay mahalaga sa “baseline determination [of] actual wealth” ng isang opisyal, na maaaring ikumpara sa kanyang sahod at idineklarang kita.

(Larawan: Presidential Communications Office)