Diskurso PH
Translate the website into your language:

HIV cases sa kabataan sa Cebu, sumirit ng 300% sa loob lamang ng 5 taon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-21 16:42:38 HIV cases sa kabataan sa Cebu, sumirit ng 300% sa loob lamang ng 5 taon

OKTUBRE 21, 2025 — Patuloy ang pagtaas ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa kabataan sa Cebu, kung saan naitala ang higit 300 porsyentong pagtaas sa loob lamang ng limang taon, ayon sa mga opisyal ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC).

Ayon kay Dr. Kathleen Joyce “KitKat” Del Carmen, pediatrician at miyembro ng HIV/AIDS Core Team ng Kaambag Clinic sa VSMMC, karamihan sa mga bagong kaso ay mula sa mga edad 15 hanggang 34. Ngunit mas nakakabahala aniya ang pagdami ng kaso sa mga mas bata pa.

“Although when we look at the most recent data, there is a much more significant increase among our youth, both below 15 years old and the 15-24 years old age groups with more than 300 percent increase within the past five years,” ani Del Carmen. 

(Kapag tiningnan natin ang pinakabagong datos, mas kapansin-pansin ang pagtaas sa mga kabataan, kapwa sa mga wala pang 15 taong gulang at sa 15–24 age group, na may higit 300 porsyentong pagtaas sa nakalipas na limang taon.)

Sa datos ng Department of Health (DOH), idineklara na ang HIV bilang isang public health emergency sa bansa matapos ang 500 porsyentong pagtaas ng mga bagong kaso at AIDS-related deaths sa nakaraang dekada. Noong 2023, umabot sa 26,700 ang bagong kaso — katumbas ng halos 50 bagong impeksyon kada araw.

Sa kabuuan, 153,798 HIV cases ang naitala sa buong bansa hanggang Hunyo 2025. Sa Central Visayas, pumalo sa 11,347 ang kabuuang kaso, dahilan upang mapasama ito sa limang rehiyong may pinakamaraming kaso.

Sa Kaambag Clinic, 1,210 katao ang sumailalim sa HIV testing mula Enero hanggang Setyembre 2025. Tatlumpu’t isa (31) ang nagpositibo at agad na isinailalim sa gamutan, habang 50 naman ang sinimulan sa Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP), isang gamot na panlaban sa impeksyon.

Karamihan sa mga pasyente ay kalalakihan (87%), at nasa edad 25 hanggang 49. Ngunit may mga kaso na rin ng mga sanggol na ipinanganak na may HIV, at may naitalang pinakabatang sexually transmitted case sa edad na 15.

“Most of our newly diagnosed patients are between 15 and 34 years old. This tells us that our youth are getting infected younger and faster,” dagdag ni Del Carmen. 

(Karamihan sa mga bagong kaso ay nasa pagitan ng 15 at 34 taong gulang. Ibig sabihin, mas bata at mas mabilis nang nahahawa ang ating kabataan.)

Bagama’t may pag-asa — bumaba ng 40% ang HIV-related deaths sa ikalawang quarter ng 2025 kumpara sa parehong panahon noong 2024 — malayo pa ang bansa sa global targets ng UNAIDS.

Ayon kay Del Carmen, “Stigma kills faster than the virus.” 

(Mas mabilis pumatay ang stigma kaysa sa virus.)

(Larawan: Kaambag Clinic)