Pilipinas, China nagpalitan ng akusasyon sa banggaan ng mga barko sa South China Sea
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-13 10:22:37
MANILA — Nagpalitan ng matitinding akusasyon ang Pilipinas at China kaugnay ng insidente ng banggaan ng mga barko malapit sa pinag-aagawang Thitu Island (Pag-asa Island) sa South China Sea noong Oktubre 12, na lalong nagpataas ng tensyon sa rehiyon.
Ayon sa Philippine Coast Guard, tatlong barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang ang BRP Datu Pagbuaya, ay nakaangkla sa Pag-asa Island upang protektahan ang mga lokal na mangingisda nang lumapit ang mga barko ng China. Bandang 9:15 a.m., isang Chinese Coast Guard vessel ang umano’y gumamit ng water cannon at tatlong minuto matapos nito ay sinadyang banggain ang likurang bahagi ng BRP Datu Pagbuaya, na nagdulot ng bahagyang pinsala ngunit walang naiulat na nasaktan.
Tinawag ng Philippine Maritime Council ang insidente bilang isang “clear threat” at “deliberate act of aggression,” at nangakong magsusulong ng “appropriate diplomatic action” laban sa China.
Sa kabilang banda, itinanggi ng Chinese Coast Guard ang akusasyon at sinabing ang barko ng Pilipinas ang “dangerously approached” sa kanilang barko, dahilan ng banggaan. Iginiit ng Beijing na ang insidente ay resulta ng “provocative actions” ng Manila sa kanilang teritoryo, sa kabila ng desisyon ng international tribunal na walang legal na batayan ang malawak na claim ng China sa South China Sea.
Naglabas ng larawan ang Philippine Coast Guard kung saan makikita ang Chinese vessel na gumagamit ng water cannon laban sa BRP Datu Pagbuaya. Ayon sa mga opisyal, patuloy ang koordinasyon sa Department of Foreign Affairs para sa posibleng diplomatic protest.
Ang insidente ay isa lamang sa serye ng mga tensyon sa pagitan ng dalawang bansa sa pinag-aagawang karagatan, kung saan madalas ang banggaan ng mga barko, paggamit ng water cannon, at verbal exchanges sa mga diplomatic channels.