Barzaga absent sa ethics hearing, umaming nagpuyat sa computer games
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-13 15:17:07
MANILA — Hindi nakadalo si Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga Jr. sa unang pagdinig ng House Committee on Ethics kaugnay ng reklamo laban sa kanya, matapos aminin na nagpuyat siya sa paglalaro ng computer games.
“My hearing was already over when I arrived. I was very busy last night. I was just playing games with my computer,” pahayag ni Barzaga sa ambush interview sa Kamara nitong Lunes.
Ang ethics complaint ay isinampa ng mga dating kaalyado ni Barzaga sa National Unity Party (NUP), matapos ang sunod-sunod na kontrobersiyal na kilos ng kongresista, kabilang ang biglaang deklarasyon ng kanyang intensyong tumakbo bilang House Speaker at umano’y “lewd behavior” sa ilang pampublikong okasyon.
Bagama’t huli na siyang dumating, wala naman daw masyadong nangyari sa unang pagdinig. Ayon kay House Deputy Speaker Ronaldo Puno, bumuo pa lamang ng sub-committee ang Ethics Panel upang pag-aralan ang reklamo. Pinamumunuan ito ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos.
Bukod sa ethics issue, si Barzaga ay namataan din sa isang protesta sa labas ng Forbes Park Village sa Makati City noong Linggo ng gabi, kung saan nanawagan ang mga demonstrador ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa mga alegasyon ng korapsyon.
Sa kabila ng mga kontrobersiya, iginiit ni Barzaga na wala siyang iniindang karamdaman at handa siyang harapin ang mga akusasyon. “I’m not unwell,” aniya sa harap ng mga tanong ukol sa kanyang kalusugan.
Larawan mula sa Kiko Barzaga FB Page