Diskurso PH
Translate the website into your language:

Feasibility study para sa ‘Tayabas South and North Wind Energy Project’, inilunsad

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-06 22:49:32 Feasibility study para sa ‘Tayabas South and North Wind Energy Project’, inilunsad

TAYABAS, QUEZON — Isang mahalagang hakbang tungo sa mas makakalikasan at maaasahang pinagkukunan ng enerhiya ang sinimulan ngayong linggo matapos isagawa ang inisyal na pulong para sa feasibility study ng planong Tayabas South and North Wind Energy Project.

Naging panauhin ni Mayor Piwa Lim sa kanyang tanggapan nitong Lunes, October 6, 2025, sina Senior Project Manager Edwin Almario at Project Development Manager Neil Richard Tanguilig ng Cleantech Global Renewables, Inc. at Calavite Passage Wind Power Project, isang subsidiary ng Alternergy Holdings Corporation.

Sa naturang pagpupulong na dinaluhan din ni City Administrator Atty. Voltaire Dela Cruz, tinalakay ng mga kinatawan mula sa Alternergy ang mga detalye ng isasagawang feasibility study na sumasaklaw sa mga barangay Ilayang Ilasan, Palale, at Valencia — mga lugar na napipisil bilang lokasyon ng wind energy facilities.

Layunin ng proyekto na makapagpatayo ng mga pasilidad para sa renewable at low-carbon energy source na magbibigay-suporta sa lumalaking pangangailangan ng lungsod sa kuryente. Kabilang din sa layunin nito ang pagsusulong ng sustainable at environment-friendly na solusyon sa larangan ng enerhiya.

Ipinahayag naman ni Mayor Piwa Lim ang buong suporta ng kanyang administrasyon sa mga proyektong maghahatid ng pangmatagalang benepisyo sa mga mamamayan.

“Bukas ang Pamahalaang Lungsod ng Tayabas sa mga inisyatibong magpapaunlad hindi lamang sa ekonomiya kundi pati sa kalidad ng buhay ng ating mga kababayan. Ang ganitong uri ng proyekto ay hakbang tungo sa mas luntiang kinabukasan,” ani Mayor Lim.

Ang Tayabas South and North Wind Energy Project ay inaasahang maging isa sa mga unang malakihang renewable energy development sa lalawigan ng Quezon, na magbibigay daan sa mas malinis, ligtas, at matatag na suplay ng kuryente sa rehiyon. (Larawan: Tayabas City CICRO - City Information and Community Relations Office / Facebook)