PBBM ibibigay ang ₱225B flood funds sa edukasyon, kalusugan
玛格丽特·黛安·费尔明 Ipinost noong 2025-09-11 10:27:59
MANILA — Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang ₱225 bilyong pondo na orihinal na nakalaan para sa mga locally funded flood control projects ay irerealign sa mga sektor ng edukasyon, kalusugan, at iba pang kagyat na pangangailangan ng bansa.
Sa isang panayam sa media sa Phnom Penh, Cambodia noong Setyembre 9, sinabi ng Pangulo: “’Yung locally funded kung tawagin na project that amounts to about ₱225 billion, we will reappropriate it to education, to health, and other departments that are in need of this funding”.
Ang hakbang ay kasunod ng desisyon ng administrasyon na huwag nang maglaan ng bagong pondo para sa flood control sa panukalang 2026 National Expenditure Program (NEP). Ayon kay Marcos, sapat na ang ₱350 bilyong nakatala sa 2025 budget para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ngunit hindi pa ito lubusang nagagamit dahil sa mga pagkaantala dulot ng imbestigasyon sa mga anomalya.
“There is a budget of ₱350 billion for 2025. Because of all of these allegations, investigations that are occurring, na-delay lahat ‘yan,” paliwanag ng Pangulo.
Bagama’t walang bagong alokasyon para sa flood control sa 2026, tiniyak ni Marcos na magpapatuloy pa rin ang mga kasalukuyang proyekto. “Hindi naman – hindi ibig sabihin titigil natin ‘yung flood control project. Ibig sabihin, titiyakin na ngayon natin na ang paggastos tama, ang pag-implement tama, maayos ang design,” aniya sa BBM Podcast.
Samantala, ang mga proyektong may foreign assistance na tinatayang nasa ₱50 bilyon ay mananatili sa plano ng pamahalaan. Inatasan na rin ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) at DPWH na repasuhin ang panukalang 2026 budget upang matiyak na walang anomalous items o insertions.
Ang realignment ng pondo ay bahagi ng mas malawak na reporma sa paggastos ng gobyerno, lalo na sa gitna ng mga kontrobersiyang bumabalot sa flood control program. Ayon sa DBM, halos lahat ng pondo para sa 2025 ay nailabas na, ngunit may natitirang ₱285.3 bilyon na hindi pa naipapamahagi sa mga ahensya.
Sa gitna ng mga imbestigasyon, nanindigan si Marcos na hahabulin ng kanyang administrasyon ang mga “big fish” sa likod ng mga anomalya. “Tatanggalin natin ‘yung mga player na ‘yon at kahit sino man sila para maging maayos ang patakbo ng sistema,” aniya.
Ang desisyong ito ay tinanggap ng ilang sektor bilang hakbang patungo sa mas makabuluhang paggamit ng pondo ng bayan, lalo na sa mga larangang direktang nakaaapekto sa buhay ng mamamayan.