Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: WWE superstar na si John Cena, pormal nang nagretiro

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-15 00:33:45 Tingnan: WWE superstar na si John Cena, pormal nang nagretiro

WASHINGTON, D.C. — Pormal nang nagpaalam sa mundo ng professional wrestling ang WWE legend na si John Cena, matapos ang kanyang huling laban na nagtapos sa isang emosyonal na gabi sa Saturday Night’s Main Event na ginanap sa Capital One Arena sa Washington, D.C.

Sa kanyang farewell match, hinarap ng 48-anyos na si Cena ang kasalukuyang powerhouse na si Gunther. Tumagal ng halos 25 minuto ang laban bago napilitang sumuko si Cena sa isang sleeper hold—isang tagpong ikinagulat ng libo-libong tagahanga sa loob ng arena. Kilala si Cena bilang isang mandirigmang bihirang mag-tap out sa kanyang buong karera, kaya’t ang kanyang pagsuko ay itinuturing na makasaysayan at simbolikong pagtatapos ng kanyang in-ring journey.

Makikitang emosyonal ang mga tagasuporta habang malakas ang sigawan at panawagang ipagpatuloy pa niya ang laban. Ngunit sa kabila nito, tuluyan nang bumigay ang beterano, hudyat ng pagtatapos ng isang alamat sa WWE.

Matapos ang laban, lumabas ang ilang WWE superstars mula sa locker room upang magbigay-pugay kay Cena. Bilang tanda ng kanyang pagreretiro, iniwan niya ang kanyang wristbands at wrestling boots sa gitna ng ring—isang tradisyunal na simbolo ng pamamaalam sa propesyon—bago siya tuluyang naglakad paakyat sa entrance ramp at nagbigay ng huling saludo sa mga tagahanga.

Nagtatapos ang karera ni John Cena bilang 17-time world champion, ang pinakamaraming opisyal na world title reigns sa kasaysayan ng WWE. Anim na beses din siyang nag-main event sa WrestleMania at kinikilala bilang isa sa pinakadakilang performer sa kasaysayan ng professional wrestling.

Nag-debut si Cena sa WWE noong 2002 laban kay Kurt Angle. Bagama’t nahirapan siyang makilala sa simula, sumikat siya nang likhain ang karakter na “Doctor of Thuganomics,” na nagdala sa kanya sa rurok ng kasikatan.

Bukod sa wrestling, matagumpay ring nakapag-transition si Cena sa Hollywood, na naging isa sa iilang WWE stars na nagkaroon ng pangmatagalang tagumpay sa industriya ng pelikula. Pinuri naman ni Undisputed WWE Champion Cody Rhodes ang impluwensiya ni Cena, na aniya’y nagtakda ng pamantayan at nagsilbing inspirasyon sa maraming henerasyon ng mga wrestler. (Larawan: WWE / Youtube)