Diskurso PH
Translate the website into your language:

Gubat sa dilim! Masungi magbubukas ng nighttime trail ngayong Halloween

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-22 08:56:18 Gubat sa dilim! Masungi magbubukas ng nighttime trail ngayong Halloween

RIZAL — Isang kakaibang karanasan ang inihahandog ng Masungi Georeserve ngayong Halloween sa pamamagitan ng “Masungi After Hours: A Halloween Special,” isang espesyal na nighttime trail na magaganap mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, 2025.

Sa anunsyo ng Masungi Georeserve sa kanilang social media, inimbitahan ang publiko na maranasan ang kagubatan sa ilalim ng gabi habang tinatahak ang trail na may kasamang mga kuwento ng mitolohiyang Pilipino. 

“Experience Masungi in the dark. Walk the trails under the night sky, guided only by lanterns, the sounds of nature, and your sense of adventure,” ayon sa kanilang pahayag.

Ang aktibidad ay may limang time slots bawat gabi: 5:00 p.m., 6:30 p.m., 8:00 p.m., 9:30 p.m., at 11:00 p.m. Limitado lamang ang mga slot, kaya hinihikayat ang mga interesadong kalahok na magparehistro agad sa opisyal na website ng Masungi. Ang conservation fee ay P2,000 kada bisita, o P1,800 kung tatlo o higit pa ang magpaparehistro bilang grupo.

Ayon sa Masungi, ang nighttime trail ay hindi isang haunted house o horror attraction. Sa halip, ito ay isang “calm, reflective journey through nature’s nocturnal rhythm,” kung saan pinagsasama ang agham at alamat upang mas maunawaan ang kahalagahan ng kalikasan at konserbasyon.

Ang Masungi Georeserve ay isang award-winning conservation area sa Baras, Rizal, na kilala sa mga limestone formations, hanging bridges, at immersive eco-tours. Sa pamamagitan ng mga inisyatibong tulad ng “After Hours,” patuloy nitong isinusulong ang adbokasiya para sa kalikasan habang nagbibigay ng makabuluhang karanasan sa mga bisita.

Larawan mula sa Masungi Georeserve