Kauna-unahang 5G portable Wi-Fi sa mundo, inilunsad ng Globe
罗贝尔·阿尔莫格拉 Ipinost noong 2025-08-28 21:56:30
MANILA — Inanunsyo ng telco giant na Globe ang kanilang pinakabagong inobasyon: ang Globe At Home 5G o mas kilala bilang “Loop”, isang portable home broadband device na gumagamit ng 5G technology at itinuturing na kauna-unahan sa buong mundo.
Ipinresenta ang naturang gadget sa media event na “The Blueprint” na ginanap sa punong-tanggapan ng Globe sa Taguig nitong Miyerkules. Katulad ito ng isang Wi-Fi router ngunit may mas maraming features at maaaring dalhin kahit saan.
Ayon kay Darius Delgado, Chief Commercial Officer ng Globe, sisimulan muna ang limitadong pagpapalabas ng device na nakatuon para sa mga pamilyang nangangailangan ng home Wi-Fi kahit nasa labas ng kanilang bahay — maging sa sasakyan o sa isang resort.
“I think it’s going to be a breakthrough,” ani Delgado.
Dagdag pa ni Abby Cardino, Vice President for Broadband Business, “Think of it as home Wi-Fi that moves with you. Just power it up like your similar Android phone.”
Ipinagmalaki rin ni Cardino na ang “Loop” ay Wi-Fi 6-enabled, may built-in speaker, camera, at touch screen, at maaaring mag-download ng apps tulad ng YouTube at Spotify. Mas malaki ito kaysa pocket Wi-Fi dahil parang all-in-one Android phone na may strap upang madaling dalhin. Maaari rin itong kumonekta ng hanggang limang devices nang sabay-sabay.
Ang introductory price ng device ay nasa ₱11,000, kalakip ang ilang monthly plans. Mas magiging epektibo ito sa mga lugar na may 5G coverage, na ayon kay Delgado ay karamihan sa mga pangunahing siyudad sa bansa.
Inaasahang ilulunsad ito sa merkado ngayong Setyembre. (Larawan: Unbox Ph / Google)